Isang mapagpalayag gabi sa inyong lahat.
Sa bahagi ng Salinlahi at Children for Peace Alliance, kami ay lubos na nagpapasalamat sa lahat ng lumahok at nakibahagi sa ating patimpalak. Talagang nakakatuwa ang pagiging malikhain ng mga bata at kabataan na sa pamamagitan ng mumunting mga obra ay nagpahayag sila ng kanilang pagnanais para sa kapayapaan.
Nakakataba ng puso na makita kayo na nakakapaghatid ng nakapakamakabuluhang mensahe gamit ang inyong mga likhang sining.Nawa’y ang lahat ng nanunuod at nakakasaksi sa ating programa ngayon ay makakuha ng inspirasyon mula sa mga batang ito na matatawag nating mga artista ng bayan.
Lalo na sa ngayon na may kinakaharap tayong krisis, isa ang mga bata sa pinakalubhang naapektuhan. Napakarami sa mga bata ang nagugutom at naghihirap kasama ng kanilang pamilya. Marami ang nagkakasakit at hindi makapagpaospital. Problema rin para sa mga ang tambak tambak na modules at dumaranas ng emotional stress dahil sa matagal na pagkaka-confine sa loob mga tahanan. Sa malala, hindi mabilang ang mga kaso ng pag-aabuso, karahasan at pagsasamantala. Ang mga bata ay nanghihingi ng oras sa atin na sila’y makapagsalita at mapakinggan.
Kaya naman, lubos kaming humahanga sa mga organisasyon na nasa likod ng Sining Para sa Kapayapaan tulad ng KODAO, IAWRT at Children for Peace Alliance upang magbigay espasyo sa mga bata na magpamalas ng kanilang talento. Napakaproduktibo at napakepektibo ng pamamaraan na ito upang maiangat ang kanilang kamalayan tungkol sa karapatan na makalahok sa mga panlipunang usapin at kahit paano’y manalo sa inihanda nating mga papremyo.
Sana ay marami pa tayong maisagawang aktibidad kagaya nito. Nag-uumapaw na pasasalamat para sa mga guro at eskwelahan at gayun din sa mga hurado na walang pag-aalinlangan na tumugon sa ating imbitasyon na masilip ang mga ipinasang likha ng mga bata.
Higit sa lahat, mabuhay ang lahat ng mga kalahok at nawa’y ipagpatuloy ninyo ang paglikha ng mga obra na magbibigay inspirasyon sa ating mga kababayan at kapwa bata. Huwag kayong titigil at mapapagod na ipanawagan ang kapayapaan.
Sabi nga sa mensahe ng mga bata kalahok, makakamtan din natin ang kapayapaan kung tayo ay sama-samang kikilos at magkakapit bisig tungo sa iisang adhikain na bumuo ng isang lipunan na may tunay na kalayaan, pagkakapantay-pantay at kapayapaan. Pagtulungan natin ito para sa mga bata at susunod na Salinlahi.
Maraming salamat!