Hamon ng Salinlahi kay Sec. Briones: Maging tapat, aminin na hindi pa handa sa pagbubukas ng klase

Published by slnlhiwpadmin on

Hamon ng Salinlahi kay Sec. Briones:
Maging tapat, aminin na hindi pa handa sa pagbubukas ng klase

“Malinaw na hindi pa handa ang DepEd sa darating na pagbubukas ng klase ngayong August 24. Huwag naman sanang ipagsawalang bahala ng DepEd ang katotohanan na kailangan pa nito nang mas mahabang panahon para gawing ligtas, de kalidad at accessible ang edukasyon sa gitna ng pandemya. Kapakanan ng mga bata at guro ang pinag-uusapan natin kaya dapat seryosohin nila ito,” ayon kay Eule Rico Bonganay, Salinlahi Secretary General, kaugnay nang hindi matagumpay na virtual launch ng Department of Education (DepEd) para sa school year 2020-21. 

Ayon kay Bonganay, bagamat mahalagang maipagpatuloy ang mga programa para sa pagkatuto ng mga bata sa gitna ng krisis pangkalusugan at pang-ekonomiya, hindi dapat magsinungaling ang DepEd sa tunay na kalagayan ng sektor ng edukasyon sa bansa.

“Inaasahan natin na susulpot ang samu’t saring mga problema sa darating na pasukan. Ilang linggo nalang, nangangapa pa rin ang mga estudyante kung ano ang gagawin nila sa August 24. Maraming mga magulang ang problemado pa rin kung saan kukuha ng pera pambili ng gamit ng kanilang mga anak habang ang mga guro ay nagkukumahog ngayon na mag-isip ano ang ipapagawa sa kanilang mga klase dahil wala pa naman ang module na dapat ay ipapamahagi sa mga mag-aaral,” ani Bonganay.

Dagdag pa niya, maaaring maglaan ang DepEd ng ilan pang buwan upang ihanda ang mga pangangailangan sa pasukan para matiyak nito na walang bata na mapag-iiwanan. “Unang-una, dapat tignan ng DepEd kung ano ang angkop na mode of learning para sa mga mag-aaral lalo na para sa mga bata mula sa mahihirap na pamilya. Pangalawa, dapat siguruhin nito na may sapat na proteksyon mula sa sakit ang mga guro na hindi maiiwasang lumabas ng kanilang tahanan sa panahon ng pagtuturo. Higit sa lahat, dapat iayon ng DepEd ang kurikulum nito sa kasalukuyang sitwasyon. Dapat ang edukasyon ay nagsisilbi sa ating paglaban sa pandemya,” dagdag ni Bonganay.

Ayon sa Salinlahi, dapat maglabas ng sapat na pondo ang pamahalaan upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga guro at mag-aaral at maresolba ang kasalukuyang mga problema sa sektor ng edukasyon.

“Dapat hindi lang handa ang DepEd sa isip. Dapat ay handa rin ito sa gawa. Mangyayari ito kung magiging tapat si Secretary Briones at aaminin nito ang kanilang mga kakulangan. Huwag naman sanang isubo ng DepEd ang mga bata sa isang masalimuot na sitwasyon para lang maipagmayabang nito na may ginagawa sila,” pagtatapos ni Bonganay.###

Date issued: August 11, 2020

Reference: Eule Rico Bonganay, Salinlahi Secretary General (09267338272)


0 Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *