Planong paghihiraman ng modules, delikado - Salinlahi

 “Baka hindi lang modules ang pagpasa-pasahan ng mga estudyante kundi pati na rin virus dahil sa pagkakait ng pamahalaan ng sapat na pondo sa edukasyon ngayong may pandemya.” Ito ang naging tugon ni Eule Rico Bonganay, Secretary General ng Salinlahi Alliance for Children’s Concerns sa pahayag ng Department of Education (DepEd) na maghihiraman nalang ng Self-Learning Modules (SLM) ang mga mag-aaral dahil kulang ang inilaan na pondo ng Department of Budget Management (DBM) para sa 2021 budget ng ahensya.

“Dapat maglaan ang pamahalaan ng sapat na pondo para sa maging one is to one ang module lalo na para sa mga mag-aaral na walang kakakayahang pinansyal para sa online learning platform ng DepEd,” giit ni Bonganay.

Aniya, counter-productive ang gagawing hakbang ng DepEd na maging rotation basis ang pamamahagi ng modules dahil maliban sa dagdag na trabaho ito para sa mga guro at magulang, walang kasiguruhan na magiging ligtas ang paghihiraman lalo na’t ang coronavirus ay kumakapit at nabubuhay sa surfaces katulad ng papel na maaaring tumagal ng limang araw.

“Paano kapag nagkaroon ng hawaan sa mga estudyante at guro dahil sa ganitong hakbang na tila hindi pinag-aralan nang maayos? Sino ang mananagot?” tanong ni Bonganay.

Ayon kay Bonganay, ipinapakita lamang ng naturang hakbang na walang interes ang administrasyong Duterte na masiguro ang isang ligtas, de-kalidad at aksesibleng edukasyon para sa mga bata sa gitna ng pandemya. “Lubhang nakakagalit dahil sukdulang tinatalikuran ni Duterte ang kanyang responsibilidad sa mga bata na ilang buwan nang nakakulong sa kanilang mga tahanan. Wala na ngang sapat na pondo para sa ayuda at kalusugan, pati ba naman edukasyon na tanging pinanghahawakan ng mga bata sa kanilang paghahangad ng maayos kinabukasan ay tinitipid at ipinagkakait pa sa kanila,” ani Bonganay.

Iginiit ng Salinlahi na dapat biyang pansin ng pamahalaan ang paglalaan ng sapat na pondo sa edukasyon, kalusugan at iba pang serbisyong panlipunan. “Dapat ang tinatapyasan ng budget ay yun mga proyektong nakakasira sa kalikasan at mga ahensyang sangkot sa malawakang paglabag sa karapatang pantao katulad ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na nilaanan ng mahigit Php 16.6 billion. Dapat ding sugpuin ang malawakang korapsyon na dahilan kung bakit bilyon-bilyong piso mula sa kaban ng bayan ang nasasayang at napupunta sa bulsa ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan,” pagtatapos ni Bonganay. ###